Monday, July 10, 2006

wanted: Bestfriend

Minsan naihambing ko ang pagkakaroon ng kaibigan sa pagkakaroon ng lobo nung mga bata pa tayo.Masayang masaya ako nung binili ako ng isang bago at makulay na lobo.Ang sabi ng nanay, higpitan ko ang pagkakahawak sa pisi kasi baka lumipad.Sa kabila ng paalala, naging kampante pa rin ako na hindi kakawala ang lobo.Hindi ko alam na isang malakas na hangin lang ang aagaw sa lobo na ito na hindi ko man lang naipagmalaki sa aking mga kalaro.Habang lumilipad ang lobo, ang tanging nagawa ko ay sundan na lang ito ng tingin.Nangingilid man ang luha ay naisip ko na wala na kong magagawa.Hindi ko napansin, nakatingin na lang ako sa malawak na langit hanggang mawala ang gatuldok na imahe ng lobo.Umasa akong bababa pa sa lupa ang lobong iyon.Nang tinanong ko ang nanay kung makikita ko pa ito, sinabi niya na hindi na ito babalik.Sinabi niya na sumama na ito sa mga ulap.At idinagdag niya na lang na ibibili ako uli ng bago para hindi ako malungkot.At dahil sa sinabi niya ay nakalimutan ko na ang lumipad na lobo.

Naiinggit ako sa mga taong mayroon o nakatagpo na ng matalik na kaibigan.Dahil ako,hanggang ngayon ay naghahanap pa rin.O maaaring nakatagpo na ko pero sa iba't ibang kadahilanan ay bigla na lang silang nawawala.Alam ko na walang permanenteng bagay sa mundo at hindi ko kontrol ang buhay pero nakakalungkot lang isipin na ang pagkakaibigan na ninais kong magtagal pa ay bigla na lang naputol.

Naalala ko nung grade one ako.Unang araw 'yun ng klase.Tinabihan ako ng patpating batang gaya ko at hinatian ng baon niyang sandwich.Ang sabi niya sakin,"mula ngaun ikaw na ang bestfriend ko!"Nagustuhan ko ang sandwich na binigay niya pero nagtaka lang ako kung bkit gusto niya kong maging bestfriend.At naisip ko rin,ganun ba kadali maghanap ng bestfriend?bibigyan mo lang ng sandwich, pagkatapos ay bestfriends na kayo?Pagtanda ko ay narealize na hindi ganun.Nang sumunod na taon ay lumipat na ng ibang eskwelahan ang bestfriend kong ito.

Pagdating ng grade two, ang lagi ko namang kasa-kasama ay si Julius.Lagi kami sa kanila pero dahil sa pagputok ng Bulkang Pinatubo, na sumira ng bahay nila, lumipat din siya sa ibang eskuwelahan.Pero natuwa rin ako dahil nakikita ko pa rin si Julius sa mga kontest na sinasalihan ko pero nakakalungkot dahil madalas ay hindi niya ko pinapansin.marahil ay nalimot niya na ko.

Pagdating naman ng grade three ay nakapalagayan ko ng loob si Eduardo.lagi ako sa bahay nila.Ang bonding namin nun ay magdrawing, magbasa ng komiks, maligo sa dam malapit sa kanila at maglakwatsa.Siya ang naging best friend ko hanggang grade six.parehas din kami ng pinasukang high school pero hindi kami naging magkaklase.Napunta siya sa ibang section.Pagdating first year high school,nagkaroon siya ng problema sa pamilya niya.napasama siya sa hindi magandang barkada.At nabalitaan ko rin na sinubok niya na magdrugs.nang taon ding iyon ay biglaang naisip ng pamilya ko na lumipat sa maynila.Lumipat din ako ng eskwelahan at hindi nakapagpaalam kay eduardo.pero madalas ko siyang maalala.nakonsensiya ako dahil hindi ko siya natulungan sa mga problema niya.

Mula second year high school hanggang fourth year high school ay hindi ko rin natagpuan ang bestfriend na hinahanap ko.akala ko ay si ryan na 'yun.Si ryan ang nagturo sakin na maglaro ng basketball, makipagbarkada sa mga astig naming kaklase at maglakwatsa sa mga lugar na hindi ko pa nararating.Pero narealized ko na hindi nagtutugma ang mga gusto namin.At naisip ko rin na madalas ay umaasa siya sa akin sa mga assignments at exams.kaya itinigil ko ang pagsama sa kanya.naging close din kami ng kaklase kong si sharon.Lagi ko siyang kausap sa telepono, na naguusap lang ng kung anu ano.Nagkaroon din ng pagkakataon na binalak ko siyang ligawan pero hindi ko itinuloy, bilang respeto na rin sa kaklase namin na nanliligaw sa kanya.At ito rin sigurong naging dahilan ng malamig na pakikitungo namin sa isa't isa.

Pagdating naman ng kolehiyo,naghahanap pa rin ng bestfriend.Nakilala ko si melfer, transferee siya at sabay kami lagi naglulunch, sabay nangalakwaktsa sa Robinson at Sm manila at kasaksama ko sa pagtambay sa field kapag ROTC.Siya rin ang nagturo sakin ng internet at counterstrike.Okay na sana ang lahat hanggang nagkaroon kami ng isang group project sa isa sa mga majors namin.Gusto niya na bumuo kami ng sarili naming grupo.Ang gusto ko naman ay sumama sa magagaling naming kaklase.Simpleng bagay lang naman iyon na lumaki.kaya sa huli naghiwalay din kami ng grupo.nang sumunod na sem ay nagtransfer din siya ng ibang course.

Nagkaroon din ako ng barkada dahil sa maraming group projects kami na kailangan gawin.Si paul at si jayson ang lagi kong kasama nun mula paggawa ng program hanggang panonood ng sine.Pero isang semester lang ang pinagsamahan namin dahil pinili ko noon na malipat ng block dahil sa hindi naging maganda ang grades ko.pero nanghinayang ako dahil naging maganda ang samahan naming tatlo.

Nang magtrabaho naman ako,nagkaroon din ako ng barkada sa kompanyang ito.pero ang matagal kong nakasama at nakasama ko rin sa isang bahay ay si sarah.Si sarah din ang naging hingahan ko ng loob kapag may problema.At siya rin sa akin.marami kaming masayang pinagsamahan sa loob ng dalawang taon.Kung anong meron ako ay shinashare ko sa kanya.Pero nagbago ang lahat dahil sa di inaasahang pangyayari.nabuntis siya ng boyfriend niya at kailangan niyang magmoveout sa apartment na tinitirahan namin.Normal lang siguro ang naramdaman ko na masaktan dahil sa matagal ko siyang nkasama.mas matagal pa kesa dun sa naging boyfriend niya.mahal ko siya bilang matalik na kaibigan.in fact naipakilala ko na siya minsan na bestfriend ko.pero hindi naging maganda ang paghihiwalay namin.pakiramdam ko kasi binalewala niya ang mga paalala ko sa kanya.pakiramdam ko rin ay naging insensisitive siya at naging padalus dalos sa mga desisyon niya.umalis siya ng apartment nang hindi kami naguusap.At kahit nagkikita kami sa office ay parang hindi kami magkakilala.O maaaring hindi ko nga siya ganun kakilala.At hindi ko alam kung hanggang kailan magiging ganito.

Maaring sabihin na choice ko rin kung bakit nawala ang bestfriends ko.Pero pinilit ko na manatili sila.Gaya ng takot na pagkawala ng regalong lobo nung bata pa, sinubukan kong higpitan ang hawak sa pisi.sinubukan kong habulin ang lobo bago pa ito tuluyang lumayo sa akin pero sa lakas ng hangin ay hindi ko na siya napigil.Umasa din ako na mahuhulog pa rin siya mula sa langit, kahit na maliit na lang at wala ng hangin.


Marami pang lobo ang maaaring ibigay sa akin.maaring iba na ang kulay o di hamak na mas malaki na kesa dun sa nauna.kagaya ng mga nauna kong lobo, iingatan ko siya.sisiguradudin ko na hindi na walang malakas na hangin ang tatangay sa kanya.

----

***Anyone who has lost something they thought was theirs forever finally comes to realize that nothing really belongs to them.

--Paulo Coelho, Eleven Minutes

No comments: