Para sa palaboy
(Walang maisip na pamagat)
Sana ay nakilala ka isang tag-araw
Sa isang panahong puso mo'y puno pa ng sigla
magmahal
magmahal
Kung kailan batid pa ng damdamin
kung paano ang magtiwala
kung paano magparaya
Sa ilalim ng malawak na langit
At liwanag ng haring araw
Sa iyo ako ay lalalapit at mangungusap
Buhay mo ay hindi na malulumbay at papanglaw.
Sana ay nakilala ka pagkatapos ng mahabang
tag-araw
Kung kailan hindi matingkad ang liwanag ng langit
At ang araw ay nagtatago sa likod ng mga ulap
Ang isip mo ay lito
Ang puso mo ay gulo
Yayakapin ka
Hahagkan ka
At ako sa iyo ay mangungusap
Ang puso mo ay hindi na mangungulila.
Sana nakilala ka sa panahong walang tigil ang
pagbuhos ng ulan
At naghahari ang karimlan sa galit na langit
Makikita kitang naglalaro sa ulan
Lumuluha.
Ang sabi mo ay pagod na ang puso
Ang sabi mo ay pagod na ang puso
At damdamin mo ay manhid na.
Ikaw ay sasamahan at sa puno'y sisilong
At ako sa iyo ay mangungusap
Makakalimot din ang puso at muling
magmamahal.
magmamahal.
Sana ay marinig ng langit ang awit ng puso ko
Sana ay sumapit na ang tag-araw
Nang manumbalik ang sigla sa puso
Muli ay magpaparaya
Muli ay iibig
At nawa ay matapos na ang unos at ang ulan
Sapagkat pagod na rin ang puso
na lumuluha
na lumuluha
at umaasa
Dahil ang puso mo ay ari na ng iba.