Friday, August 24, 2007

ISANG LIHAM PARA SA DATING MINAHAL

ISANG LIHAM PARA SA DATING MINAHAL
Kumusta ka na?

Hindi ko maipaliwanag sa kabila ng pagod at sa haba ng araw na ito ay naalala kitang bigla.Kung bakit kasi naisipan kong hanapin ang profile mo sa friendster kanina.Ang totoo,noon ko pa siya nakita pero takot akong iinvite ka.Baka mareject lang ang invitation ko.Baka kasi hindi mo na ko kilala.Sabagay anim na taon na ang nakararaan ng huli tayong magkita.Napakarami ng nagbago.Napakarami ko na ring pinagdaanang relasyon at alam kong ikaw rin.Pero sadya yatang hirap ako na limutin ka.

Nilakasan ko ang loob ko.Binuksan ko ang profile mo at ininvite kita.Nagpadala pa nga ako ng message sa iyo.Ang sabi ko : "Hi kumusta na? ____,si ____ ito,nagmeet tayo nung 3rd year college tayo.Sana naalala mo pa.Kung hindi mo na ko matandaan, sana maalala mo ako sa mga bagay na babanggitin ko : purple valentines card,green scrapbook,Lord of the Rings,Forevermore,Tapsilog,Intramuros at Circle.Ayan,sana maalala mo."

Wala namang may kasalanan kung bakit nagkahiwalay tayong dalawa.Parehas tayong mga bata pa noon.Parehas na wala pang karanasan sa pagkakaroon ng ganitong klaseng relasyon.Siguro ako ang sinisisi mo kaya tayo nagkahiwalay.Hindi kasi kita naipaglaban.Masyado ding naging makitid ang utak ko.

Nakakatawa ang pagkakakilala natin.Birthday ko noon.Pagkaalis ng mga bisita ko pagkatapos namin maginuman sa bahay ay binuksan ko ang telebisyon.Naaliw ako sa music video na palabas,sa ilalim ng screen ay may mga messages ng mga taong bumabati sa kaibigan,mga nagrerequest ng video at may ilan din namang naghahanap ng textmates.Bagama't hilo na ko sa ininom na alkohol ay nakuha ko pa rin ang numero ng cellphone mo na napakabilis na ipinakita sa screen.

Nagsimula ang lahat sa simpleng "ASL" na pinadala ko sa iyo.Noong una, iniisip ko na parehas lang tayong mga bored ng panahong iyon.Naghahanap ng pampalipas oras.Ng mapagkakabalahan.Pero may kung ano ka yatang angking gayuma at bigla naging interesado ako sa iyo.Nagsimula ang pagpapalitan ng text messages.Ang mga text ay nasundan ng mga paguusap sa telepono.Bigla kong naalala ngayon, kung paano akong laging nakabantay sa telepono at nakikipagunahang sumagot sa mga kapatid ko sa pagaakalang ikaw ang tumatawag.Naalala ko rin ng minsan muntik mahulog sa timba ng tubig o inodoro ang cellphone ko dahil dinadala ko ito kahit pagpunta sa banyo.Naaalala ko rin kung paanong lagi akong inaasar ng mga kaibigan ko dahil kakaiba daw ang ngiti ko kapag nakakatanggap ng text message mula sa iyo.

Pagkatapos ng ilang linggong paguusap sa text at sa telepono,nagpasya tayong kitain ang isa't isa.Maaga akong dumating sa napagusapang lugar.Bagama't hindi ikaw ang unang taong nakaeyeball ko ay napakalakas pa rin ng kaba ko sa dibdib.Marahil sadyang natatakot lang ako sa rejection.Maaaring takot lang ako na madisappoint ka.At maaring takot din ako na hindi natin magustuhan ang isa't isa sa pagkikitang ito.

Habang sinusundan ko ng tingin ang mga taong nandoon na may suot na kulay itim na t-shirt na sabi mo'y suot mo, ay biglang tumunog ang cellphone ko.Tumatawag ka.Ang sabi mo nakababa ka na ng taxi.Alam kong ikaw ang namataan ko ilang metro mula sa kinatatayuan ko.Natatawa ako dahil napakalapit na natin sa isat isa pero magkausap pa tayo sa cellphone.Kumaway ka.Nakangiti,naimagine ko na sa mga paguusap natin ang mga ngiting iyon.Pinatay mo ang cellphone mo,lumapit ka sa akin.Kabado pa rin ako habang nakikipagkamay sa iyo.Tumingin ako sa mga mata mo.Sabi nila sa mga mata mo mababasa kung masaya ang isang tao.At nakita sa mga matang iyon na masaya ka.

Doon nagsimula ang ilan sa pinakamasayang araw sa buhay ko.Hindi ako magaling sa paglalarawan ng nararamdaman pero alam kung ng mga panahong iyon, ang nararamdaman ko ay isa sa pinakamasarap na naramdaman ko sa buong buhay ko.

Paano nga ba kita malilimot.Eh lubhang napakaraming bagay ang nagpapaalala sa akin sa iyo.

Natatandaan mo ba kung paanong wala tayong pakialam na magkahawak ng kamay sa loob ng MRT? Naririnig mo pa ba ang lakas ng mga halakhakan natin kapag magkasama tayo?Natatandaan mo ba ang mga hitsura ng mukha natin ng parehas tayong nasorpresa dahil parehas ang nabili nating valentine's card? Ang paulitulit at walang sawa nating pagpatugtog ng Forevermore ng Side A kapag nakatambay tayo sa bahay niyo.Ang pagtambay natin sa Circle pagkatapos manood ng sine sa Annex.Ang stargazing na madalas nating gawin sa pader ng Intramuros pagkatapos ng klase ko.

Sana natatandaan mo ang mga iyon kasi ako natatandaan ko pa.

Pero hindi lahat ng alaala natin na natatandaan ko ay maganda.Hindi lahat ng araw ay naging masaya at madali para sa atin.

Ang sabi nila kapag nagmahal ka makikita kaagad ng iba.Magiging maganda ang lahat ng pangyayari,ngunit ang sa atin ay iba.Dumating sa punto na napabayaan ko na ang pagaaral ko para lang makita ka.At ikaw din naman,madalas ka din hindi pumasok sa ibang klase mo dahil ayaw mo na madisappoint ako kapag nangako ka na magkikita tayo.Nakakagalitan na tayo ng mga magulang natin dahil sa pagiging iresponsable.

Madalas din ay nababalewala ko ang nararamdaman mo.madalas mong sabihin na mahal mo ako.Pero ang lagi kong sinasabi ay napakamushy mo o kaya naman kapag naglalambing ka ay nasasabi ko na napakakorni mo.

Masyado ako noong nasanay na laging nandiyan ka.Masyado akong naging dependent sa iyo.Nagtatampo kaagad ako kapag hindi ka nakakasagot agad sa text at o nakakatawag gayung reasonable naman ang dahilan mo.Lumabas ang insecurities ko at masyado akong naging demanding at seloso.naging maikli ang pasensiya ko at lagi akong inaatake ng pagdududa.May mga ilang pagkakataon din na nagaway tayo dahil sabi mo sobrang nasasakal ka na.Sa maniwala ka at sa hindi,Sa iyo umikot ang mundo ko.

Naging pasensiyoso ka noong una.May mga compromise ka ding ginawa.-nagbigay ka,umuunawa, nagpapatawad.Ako nama'y tanggap lang ng tanggap.Pero paulit ulit pa ring ginawa ang mga bagay na hindi pinagkakasunduan.Pero sabi nga ng matatanda, napupuno din ang salop.Hanggang hindi mo na nakaya ang immaturity ko at biglang naging malamig ka na lang.

Ilang araw tayong hindi nagusap.Bigla na lang idinahilan mo na inatake ka ng trangkaso at hirap ka na gumamit ng cellphone at telepono.Noong una ay naniwala ako.Hanggang ang araw na hindi nating pagkikita at paguusap ay naging linggo at ang linggo ay naging buwan.

Takot akong ibaba ang pride ko sa iyo.Kahit kabisado ko pa ang cell number mo,landline at kahit email.wala akong ginawang paraan para makipagayos sa iyo.Nagulat na lang ako minsan ng buksan ko ang inbox ng email ko at nakita ko ang pangalan mo.Ang sabi mo namimiss mo na ako.Humihingi ka ng sorry at sinabi mong napabayaan mo ako.Humihingi ka ng isa pang pagkakataon para ibalik ang dati.Naglakip ka pa nga litrato nating dalawa sa email na iyon.

Naging matigas ang puso ko.Inisip ko na kung nakaya mong tiisin ako ng matagal ay kayang kaya ko ring gawin yun.Nakipagdate ako sa iba.Inakala kong iyon ang sagot para malimutan ka.Ang mga sumunod kong mga naging karelasyon ay naging napakaikli lamang.Hindi ko alam, hinahanap kong lagi sa kanila ang mga katangiang nakita ko sa iyo.

Hanggang sa napagod ako at ipinasya ko na maging single na lang.Walang gaanong komplikasyon.Walang responsibilidad.sa loob ng dalawang taon, naging single ako.

Sa maraming pagkakataon kapag magisa ako ay naiisip kita.Kung kumusta ka na ba,kung masaya ka ba? kung may natagpuan ka na ba na taong magpapasaya sa iyo?Kung kahit minsan ba ay naisip mo ako.Angtagal kong niloko ang sarili ko na hindi ka importante sa akin.Pero pagod na ko magpanggap,tanggap ko na ang katotohanan na malaki ang naibahagi mo sa buhay ko.

Sana makita mo kung ano na ako ngayon.Pagkatapos ng anim na taon,maipagmamalaki ko sa iyo na malaki na ang ipinagbago ko.Marami kang naituro at binago sa akin.

Ikaw ang nagturo sa akin na pahalagahan ang mga taong mahal mo at nagmamahal sa iyo.Wala nang pangalawang pagkakataon na ibibigay sa atin na makita pang muli kung sakaling mawala sila.

Ikaw din ang nagturo sa akin wag matakot masaktan at wag mapagod magmahal.Kapag bumagsak at nadapa, matutong bumangon.Kahit pa nakaluhod ka na lang at hindi mo na kayang tumayo, ang mahalaga ay pinilit mo.Ang mahalaga ay sumubok ka.

Pero parang malabo na yatang mangyari na makita mo ang mga iyon.Siguro nga mahihirapan akong limutin ka.Siguro nga patuloy akong babagabagin ng pagsisisi na sana'y nagawa kitang ipaglaban noon.

Minsan,napanaginipan kita.Nakangiti ka sa akin habang sinasabi wag akong malungkot.Nagising na lang akong umiiyak.

Marahil tama ka nga.Hindi ako dapat malungkot.Sapagkat nagampanan mo na kung anuman ang dapat maging papel mo sa buhay ko.Na dumating ka para baguhin ito.Na kailangan mo ring umalis at iwan ako.Na kailangan kong huminto na lang at sumuko sa paghihintay sa iyo.

Pero patawarin mo ako dahil hindi ko kaya.Patawarin mo ako dahil gumawa uli ako ng paraan para muling dugtungan pa kung saan man naputol ang lahat.

Mamaya, magoonline ako.Titignan ko kung tinanggap mo ang invitation ko.

No comments: