Wednesday, August 15, 2007

Of Love and Commitment

LOVE

Nitong mga nakaraang araw, maraming katanungan ang gumulo sa dating magulo ko ng utak.Ito ay tungkol sa pagibig at commitment.

Sa isang heart to heart talk ng taong napakalapit sa akin ngayon, nabanggit niya na hirap siyang pakiramdaman ang sarili kung pag-ibig na ba ang nararamdaman niya sa isang tao.Nagkibitbalikat lang ako noong una sa sinabi niya pero nabahala din ako pagkatapos.Ang realization na ibinigay nito sa akin ay kahit mahaba na ring panahon ang inilagi ko sa mundo at ilang relasyon na rin ang nagkaroon ako, hindi ko rin lubos pang nauunawaan kung ano nga ba ang pag-ibig.Paanong ang lahat ay naguusap tungkol sa pagibig at heto kaming dalawa na parang mga tanga na hirap bigyan ng kahulugan ang salitang ito?

Kung nagpapakaintelekwal lang ako ng panahong iyon, maaring nagquote na lang ako ng linya mula sa nabasa kong libro o napanood na pelikula para sabihin sa kanya ang depinisyon ng pag-ibig.Pero matatawa lang ang kausap ko dahil ang pagibig ay sadyang napakakomplikadong konsepto. Kahit tanungin mo ang bawat tao, iba iba ang persepsiyon nila ng pagibig.

Pinagaralan ko yung sinabi ng kausap ko.Hinayaan ko siyang magkuwento ng sa ganun ay magkaroon ako ng ideya kung bakit nasabi niya na mahirap maramdaman ang pagibig.

Ibinahagi niya kung paanong naging jaded na ang pakiramdam niya dahil sa pagibig.Ikinuwento niyang kung paanong ilang beses na siyang nasaktan at naloko ng taong akala niya ay mahal niya at mahal din siya.Inakala niya na ang nararamdaman niya noong mga panahong iyo ay pagibig na talaga. Ang pagiisip ay nadaig ng emosyon ang sabi pa niya.Hindi porke't may kilig at masaya ka na kasama ang isang taong gusto mo ay masasabi mo na ng walang pagaalinlangan na pagibig na ang lahat.Ito'y isang damdamin di mo inaasahan na madarama,at hindi basta basta dapat ibigay.Ang pagibig ay dumadaan din sa panahon.

Pinakikinggan ko siyang mabuti.Kahit pa hindi direktang patungkol sa akin ang sinabi niya at napaguusapan lang naman namin ang konsepto ng pagibig, nakadama ako ng kaunting guilt at pagkapahiya.Napabilang ako sa daliri.Ilang relasyon na ba ang pinagdaanan ko?Sa mga relasyong ito, kampante ko bang masasabi na tunay na pagibig ang nadama at naibigay ko?

Binalikan ko sa isipan ang mga nagdaan kong relasyon.

Maaring idepensa ko ang sarili sa pagsasabing kaya't mababaw lang ang pagkakaunawa ko sa pagibig ay dahil maikling panahon lang ang naibigay sa akin para kilalanin ang taong inakala kong minahal ko at minahal din ako.
Totoo naman.Ang panahon ang magsasabi kong pagibig nga bang matatawag ang nararamdaman mo sa isang tao.

Naalala ko,noon napakadali sa akin ang magsabi ng I love you sa taong nagugustuhan ko.At nakakatawa ring isipin na may mga nakilala ako na nagsasabi na kaaagad sa akin ng mga salitang ito gayung hindi pa ako lubos na kilala.

Inisip ko kung ano ang dahilan nito.Humantong ako sa konklusyon na napakarami ng insecurities ko sa sarili noon.Ang mga salitang I love You maging galing sa taong hindi ko naman kilala ay nagbibigay sa akin ng seguridad na ako ay tanggap.Ang isa pang naisip kong dahilan ay may mga bagay sa ngayon ay madalas nating minamadali.

Hindi lang naman ako kundi marami sa atin ang nahilig sa shortcuts at instant dahil sa pagkahumaling sa teknolohiyang gaya ng cellphone at Internet na siyang nagdulot sa kaisipan natain na ang mga bagay sa ngayon kagaya ng pagibig ay madali lang makukuha.Pero totoo ang sabi nila, ang bagay na madali mong makuha ay madali ring mawawala.Ang panahon ang magbibigay sa atin ng mga pangyayaring masalimuot,masasakit at masaya, at kapag ang lahat ng ito ay nalagpasan ng dalawang taong nagmamahalan na magkasama, masasabi ko na iyon ay pagibig.

COMMITMENT

Heto muna ang marami kong tanong tungkol sa commitment dahil ito ang madalas gumulo sa akin ngayon.

Bakit may mga taong napakadaling icommit ang sarili at bakit may mga tao rin na napakatagal magpasiya kung makikipagcommit ba sila o hindi?

Hangal nga ba na matatawag ang dalawang tao na pumapasok sa isang commitment na hindi sila sigurado sa nararamdaman ng isa't isa?

Paano nga ba kung isa lang ang nagmamahal at ang isa'y hindi pa sigurado kung pagmamahal na ba ang nararamdaman niya, tama bang ipilit pa rin ang commitment?

Kung hindi,tama ba na sabihin niya sa isa na maghintay hangga't sigurado na siya at alam niya na pagmamahal ang nararamdaman niya?Hanggang kailan ang dapat hintayin?

May punto ba ang isang tao kapag sinabi niya na kapag mas matagal nating kinilala ang isa't isa, mas magiging matibay ang pundasyon ng relasyon kung sakaling magkaroon na ng commitment?

May isang kakilala na nagsabi na ang pagmamahal ay hindi nangangailangan ng commitment, maaring may punto siya.Pero pwede ko ring sabihin akma lamang ang konseptong ito ng pagibig para sa isang kaibigan, para sa isang kamaganak, para sa isang kapamilya.Ang commitment na sinasabi ko dito ay ang commitment para sa dalawang taong nagmamahalan. Sumasangayon din ako na hindi tayo nagmamahal dahil gusto natin ng commitment.Maraming taong nagkakamali na ang relasyon at pagibig ay iisa.Pero hindi.Hindi relasyon ang dahilan kung bakit tayo nagmamahal.

Alam ko na kapag sinabi mo sa isang tao na gusto mo siya ay hindi kaagad nangangahulugan na gusto mong makipagcommit sa kanya.Maaaring ito ay simpleng atraksiyon lamang.Maaari ding naghahanap lang ang isa ng kaibigan.Sa tingin ko kapag ang dalawang tao ay nagkagustuhan na,mahalagang maging malinaw sa dalawa ang gusto nilang mangyari.As early as possible, kailangang malaman kung posible ba o hindi na humantong sa relasyon o commitment ang lahat.

Mahirap malagay sa isang situwasyon kung saan sa gitna ng dating stage kung saan kinikilala niyo ang isa't isa ay biglang marerealize ng isa na handa na siya sa isang commitment pero ang isa ay hindi naman.Ang nakikita kong dahilan nito, maaring naghihintay pa ng sign o naininigurado pa ang isa.Pero ang pinakamasakit na dahilan kaya't hindi makapagcommit ang isang tao ay dahil pinapaasa niya lang ang isa.

Hindi naman tama na pilitin mo na makipagcommit ang isang taong hindi pa handa sa commitment.Isa itong desperasyon na matatawag.Ang paghihintay ang siyang susubok kung ay isa ay handa bang magtiis at magpakasakit.Dahil ang paghihintay para sa akin ay isang napakahirap na gawin sa buhay na ito kung san kahit galaw ng mga kamy sa orasan ay tila nagmamadali.Pero ang malaking katanungan,hanggang kailan nga ba ang dapat ipaghintay at ipagtiis?Hindi ko rin yata masasagot ito.

Maaring makasarili nga ang konsepto ko ng commitment.Kung naramdaman mo ang pagibig at alam mong ganun din ang nararamdaman ng isa, wala na akong nakikitang dahilan para patagalin pa ang lahat.Sabi nga ng isang kaibigan, it guarantees exclusivity, na kung meron nito kahit ba kinukuwestiyon ang pagibig merong bagay na panghahawakan kayong dalawa.Na kapag mayrong commitment na sumasaklaw sa dalawang tao, may seguridad at assurance.

Sa marami kong tanong tungkol sa commitment,heto lang ang nabigyan ko ng sagot.
Bakit nga pumapasok ang dalawang tao sa isang relasyon?Isa lang ang sagot dito,dahil sila ay nagmamahal.

No comments: