Thursday, October 19, 2006

Para Kay Cecilia

Hindi ko alam kong makakarating sa iyo ang liham na ito.Wala kasing makapagturo kung nasaan ka.Pero alam ko sa tamang lugar at panahon, kung meron pa mang matatawag na tamang panahon para sa atin, ay malalaman mo ang puso at damdamin ko.Ipagpaumanhin mo na lahat ng kababawan at sentimiyento na mababasa mo dito.Marahil naipon lang lahat ng gusto kong sabihin sa iyo sa tagal ng hindi natin paguusap.
Alam mo bang pinaiyak mo ko sa balitang narinig ko tungkol sa iyo.Ginagantihan mo yata ako sa madalas kong pagpapaiyak sa iyo noong mga bata pa tayo.

Lagi ka kasi naming binubuska ng kapatid mong si Japoy kapag naglalaro tayo ng bahay-bahayan nung mga paslit pa tayo.Paano lagi mong idinadahilan ang pagiging nanay-nanayan mo para utusan kami.Kaya para makaganti,hindi nanay ang tinatawag namin sa iyo kundi Inday.Lagi mo rin sinasabi noon na kamukha mo 'yung artistang si Aiko Melendez.Bata ka pa ang laki na ng bilib mo sa sarili.Kaya naman ang sinasabi namin lagi ay ang kamukha mo ay si Zoraida sanchez.Lagi rin namin ginagaya 'yung dialogue ni Roderick paulate sa Petrang Kabayo para asarin ka.Kapag napipikon ka sa amin ay umiiyak ka na lang.Marahil nakaugalian ko nang asarin ka dahil gustong gusto kong nakikita lumuluha ka.napakaganda kasi ng mukha mo kapag umiiyak ka.

Sa totoo lang,naiinis ako noon sa iyo dahil lagi mo akong inuutusan na gumawa ng eroplano at bangkang papel.Sabi mo magaling akong gumawa nito at balang araw ibibili mo ako ng totoong bangka at eroplano.Kapag pinaghuhugas ka ng plato o pinamamalantsa ng damit ng Tiya meding, lagi mo rin akong hinahatak na alalay.

Pero kahit ganun ka, ikaw ang bestfriend ko.Ikaw pa rin ang pinakakasundo ko sa mga pinsan ko.Ikaw lang kasi ang matiyagang magturo sakin mag-Ingles at bumasa ng abakada.Ikaw rin ang kasama kong manood ng TV para manood ng Okay Ka Fairy ko at Regal Shocker.Ikaw rin ang nagsasabi kay Tiyo chris na bilhan ako ng sapatos at damit kasi luma na yung gamit ko.Kapag dumarating ka mula eskwela ay may dala kang kendi o lapis para sa akin.Ikaw rin ang nagtatanggol sakin kapag tinutukso akong lampa ng iba nating mga pinsan. Lagi na lang tayong magkasama at napagkakamalang magkapatid.Oo nga pala muntik ko nang makalimutan,ako rin ang escort mo nung lumaban ka sa Little Miss Philippines sa Eat Bulaga!.Iyon nga lang natalo ka.Ang panget kasi ng sagot mo nung tanungin nila kung ano pipiliin mo , maging matalino ba o maganda?Sabi mo mas gusto mo ang maganda.At heto pa, natatandaan mo rin ba nung naglaro tayo ng taguan don sa bahay nila Nana Lumeng?Iyong malaking bahay dun sa tabi ng luma naming bahay sa Balagtas?Noong wala tayong mapagtaguan doon tayo pumasok sa loob ng lumang aparador na muntik pa tayong makulong.Iyak ka rin ng iyak nun.Pero sabi ko wag kang magalala.
Di ba hinalikan pa nga kita?Hindi sa pisngi kundi sa labi.Ikaw pala ang first kiss ko.Pero dumating sila Junjun, nakita pala nila ang paghalik ko sa iyo.Simula nun naging tampulan na tayo ng tukso.Nang mabalitaan ng nanay, ang sabi,masama daw 'yung ginawa natin kasi magpinsan tayo.Eh anong malay natin, mga bata pa tayo nun?At wala namang malisya 'yung paghalik ko sayo.Kaya tuloy sapul noon ay nagkailangan na tayo.Pero ngayong nilamon na ng malisya ang utak ko,naiisip ko pa rin ang inosenteng halik na iyon.

Natatandaan mo nung pumunta tayo sa Luneta 'nung minsan magbakasyon ako sa inyo?Akala ko nga nun mamamasyal lang tayo sa Luneta pero sabi mo may pupuntahan si Tito at tita sa embassy.Umiiyak ka kasi sabi mo hindi na tayo muli pang magkikita.Hindi ako umiyak nun.malay ba naman ng bata kong isip kung saang lupalop itong Australia na sinasabi mo.Pero sabi mo mahal na mahal mo ako at bagamat aalis ka babalik ka rin at magkikita tayo.
Noong nandoon ka na,hindi ko naman naramdaman na napakalayo mo.Masipag ka magsulat.Minsan pa nga'y tumatawag ka sa telepono para mangumusta lang.Sinusumbong mo sa akin ang mga kakalase mong puti na nangaapi sa iyo.Ibinibida mo na ikaw ang pinakamarunong sa klase.Pero ewan ko at biglang nagbago ang ihip ng hangin at naging madalang pa sa patak ng ulan ang pagsulat mo.Lagi kong iniisip na siguro abala ka sa maraming bagay.mahirap naman kasing manirahan sa ibang bansa eh.

Alam mo bang nung papabalik ka pagkatapos ng limang taon para magbakasyon dito ay hindi magkamayaw ang excitement na nadarama ko?Nagpagupit ako ng buhok,bumili ng bagong damit at pantalon.Mistula akong aakyat ng ligaw sa paghahandang ginawa ko.Lumiban pa nga ako sa klase dahil doon.Pero nung magkita tayo ay tila napipi tayong pareho.Para tayong hindi magkakilala.Niha niho ay walang narinig mula sa isa't isa.Parang hindi mo na matandaan ang pinsan mong si Atoy.Hindi ko rin lubos na maisip na ikaw ang pinsan kong si Che che.Mas lalo kang gumanda.Natakot akong lumapit at makipagusap sa iyo.Tila kasi naging liberal na ang pagkilos at pananalita mo.Ikaw nga ba ang nagbago o marahil ako na ang naglayo ng sarili ko sa iyo?Mas pinili mo ding makihalubilo noon sa pinsan nating babae na kasing idad mo.Naisip kong habang tumatanda ang tao,nagbabago rin siguro ang kagustuhan nito.At isa pa ,mga dalaga at binata na tayo, hindi na siguro tama na makita na lagi tayong magkasama.

Tuwing ikalawang taon ay nagbabakasyon ka mula sa Australia.Sumasama pa rin ako sa reunion upang makita ka pero duwag pa ring lumapit sa iyo.Ni hindi ko maipakilala ang sarili ko na pinsan mo.Alam kong alam mo na magpinsan tayo dahil nagpapadala ako ng mga larawan sayo.At alam kong hindi ganun kahina ang memorya mo para malimot mo ako.

Kamakailan ay hindi ka na bumalik.Wala na rin akong natanggap na sulat o tawag mula sa iyo.

Hanggang tumawag ang tiya kanina.
Hindi ako makapaniwala sa balitang narinig ko.Dalawang buwan ka na daw buntis at ayaw panagutan ng lalaki 'yung ipinagdadala mo.
Nagngingitngit ako sa galit.Naluha at sinuntok ko ang pader at nagmura.Nagalit ako sa iyo at sa ama ng bata.Alam ko na hindi pagmamahal kung hindi libog lang ang namagitan sa inyong dalawa.Paanong nagawa kang lokohin ng hayop na iyon?

Buong pagaakala ko ay matalino ka.Sinabi mo sa akin na ano't anuman ang mangyari, magtatapos ka muna ng pag-aaral bago mag asawa.Hindi ka marunong tumupad sa mga pangako mo.

Hindi ba nung pinagagawa mo ko ng eroplano at bangkang papel, sinabi mo na sabay nating aabutin ang mga pangarap natin ?na sabay tayong sasakay sa mga totoong barko at eroplano?Alam mo bang isa ka sa mga inspirasyon ko kaya pinilit kong magkadiploma kahit naghihikahos kami sa buhay?sa susunod na taon ay magtatapos na ko. Gusto ko sanang pagipunan ang pagpunta diyan.Pero nawalan na yata ako ng gana at pagasa dahil sa pangyayaring ito.

Ang huli kong balita ay umalis ka na sa bahay nila Tiya.Ang sabi nila'y nalulong ka daw sa droga at kung kani kaninong lalaki sumasama.Tinangka ka nilang dalhin sa rehab pero mas lalo kang nagrebelde.Alam kong hindi mo magagawa iyon.Hindi ako naniniwala sa sinasabi nila.Hindi ka nila kilala kagaya ng pagkakakilala ko.

Cecilia,gusto kong puntahan ka at sabihin sa'yo na napakahalaga mo sa buhay ko.Na mahal na mahal kita.Na kaya kong panagutan ang batang pinagdadala mo.Pero ang idinidikta ng utak ko ay pawang kahibangan ang lahat ng ito.Mali ang nararamdaman ko.Mali ang ibigin ka dahil magkadugo tayo.Pero mahirap turuan ang puso.Mahal kita simula noong mga bata pa tayo.Mahal kita sa hindi maipaliwanag na dahilan, Basta't ang tanging alam ko,binago mo ang mundo ko.Binigyan mo ko ng inspirasyon.Naduwag man ako noon, ngayon gusto kong malaman mo ang matagal ko nang kinikimkim na damdaming ito.Alam mo bang naiinis ako sa sarili ko dahil wala akong magawa para sa ating dalawa.Lahat ng pinakamaliit na detalye ng alaala ng pagkabata natin ay iniingatan ko.Dahil iyon na lang ang meron ako sa iyo.Umaaasa ako na darating ang panahon na aalalahanin at maibabahagi sa'yo ang lahat ng iyon kung sakaling nalimot mo na.Kung dumating man ang araw na iyon, ako na ang magiging pinakamaligayang lalaki sa mundo.

Siguro nga isa lang itong twist sa pelikula ng ating masalimuot na buhay.Kagaya ng mga napanood ko nang kuwento,sa huli marahil tayo pa rin ang para sa isa't isa.Sana ako na lang gagawa ng sarili nating kuwento, marahil ay palalabasin ko na isa sa atin ay ampon ng ating nakagisnang pamilya.Malalaman natin sa huli,na tayo pala ay hindi magkadugo.Nang sa ganun ay maipaglaban kita.Nang sa ganun ay wala nang bawal na pag-ibig.Pero naisip ko rin na may mga pelikula na trahedya ang nagiging hangganan.Harinawa'y ang sa atin ay may naghihintay na magandang wakas.
____

***Ito po ay kathang isip lamang.Isang pagtatangkang magsulat ng kuwento tungkol sa bawal na pagibig.

No comments: