Friday, July 15, 2005

Angel

May bagong anghel na dumating sa pamilya namin. At hindi man namin siya kadugo pero ituturing ko siya na hindi iba sa amin.Isa siyang anghel na matagal na naming hinihintay.

Matagal ng mag-asawa ang kapatid ko na si Ate Rina at bayaw ko na si Kuya Arnel. Siguro mahigit kumulang na rin silang sampung taon na nagsasama. Dalawang beses na nakunan si ate.Dalawang beses na siyang pinagkaitan ng dalawang anghel na sana'y naglalaro na dito sa bahay sa Bulacan tuwing Linggo kasama ng dalawa kong pamangkin na si Nica, Detdet at ang isip bata nilang Tito.
Nalulungkot ako pag naiisip ko ang hindi pagkakaroon ng anak ni Ate. Alam ko rin na nasasaktan ang bayaw ko kapag nakakantiyawan siya ng Kuya ko at ng isa ko pang bayaw na si Kuya Jeff ng "ang hina mo naman pare."Isa yung malaking insulto. Hindi ko rin alam kung nakakatulong ba yung mga suhestiyon namin sa kanila na magsayaw sila sa Obando at magalay ng itlog kay Sta.Clara para magkaanak.Masyado kasing mapamahiin ang pamilya ko.Maaring minsan ay naiinis na din sila dahil naprepressure sila sa amin sa pangungulit namin sa kanila ng bagong baby.
Kung ilang beses na ring komunsulta si ate sa doktor.Regular nga ang check up nya sa St . Lukes.May mga injection at gamot din na binigay sa kanya.At bukod sa kanya ginagamot din yung bayaw ko.Sabi daw ng doktor mahina ang bilang semilya nito.Kaya kailangan talaga ng effort para dito at siyempre maraming pera.Matagal na ang gamutan na ito pero hanggang ngayon wala pang resulta at naghihintay pa rin kami.
Although mga bata pa naman sila at hindi nawawalan ng pag-asa tungkol dito,madalas imungkahi ng mga kapatid ko na magampon sila para may magalaga sila sa pagtanda.Meron pa nagsabi na yun daw ang magiging dahilan na magkaroon pa sila ng maraming anak.Pero siguro out of pride, ayaw ng bayaw ko na magampon.Iba pa rin daw yung kadugo niya.Si Ate gusto niya pero dahil ayaw ng asawa, ay sunod na lang siya.

Isang kamaganak ang nagsabi sa amin na may kakilala siya na manganganak sa buwan na ito at gustong ipaampon ang ipinagbubuntis niya.Malapit lang ang bahay nito sa amin.Ilang beses na rin kasi nitong sinubukang ipalaglag yung bata.Sampu na ang kanyang anak,at panglabingisa yung dinadala nya.'Yung tipikal na kuwento ng kahirapan.Ang gusto lang daw niya ay pamasahe papuntang Visayas,pambayad sa huling upa sa bahay at pagkatapos ay lalayo na siya sa lugar namin.
Naging interesado ang nanay ko doon.Naisip nya yung kapatid kong babae na matagal na nananabik na mgakaroon ng anak.Pinasubaybayn nya yung babae,inalam yung background,at nakipagusap sa isa pang kakilala na sabihin na merong interesado magampon sa ipinagbubuntis nya.Kahit kailan hindi nakipagusap o nakipagkilala si nanay dun sa babae.Hinayaan nyang iba ang makipagusap para sa kanya.Para nga naman kung sakaling magkaroon ng bawian eh hindi malaman kung sino talaga yung nagampon.Inalam din ni nanay kung ano ba yung mga papel na dapat lakarin para sa pagaampon.Napagkasunduan na si nanay na nga ang kukuha dun sa bata.At ibibigay nga to sa kapatid kong babae.

July 11.Mismong kaarawan ni nanay,sinabi samin na naglalabor na yung babae.Pinabantayan namin yung bata at kinuha pa ng midwife.Wala pa yatang isang oras ay dinala na sya sa bahay.Naawa ako dun sa bata at naawa din ako dun sa nanay.Hindi man lang kasi nakita nung nanay kahit daliri ng anak nya.At yung tatay naman nung bata,hindi man lang sinilip yung anak nya.Ipapaampon din naman daw yung bata kaya wala na siyang pakialam.Anong klaseng magulang ba ang may ganun klaseng pagiisip?Bakit kailangan ipaampon ang bata na para lang nagpapamigay ng aso?
Naisip ko tuloy nung mga oras na yun,tama ba na ampunin namin yung bata?Pero bigla ko ring naisip na mas magiging maayos ng buhay nya sa kapatid ko.Mas matutugunan yung pangangailangan niya.Marami na kong kuwento naririnig na kuwento tungkol sa mga inaaampon at alam kong isa sa mga dahilan ay ang kahirapan ng mga magulang.sana maintindihan ito nung bata paglaki nya.
Nung makita ko ang bagong anghel na to, parang gusto kong mapaluha sa tuwa.Tinawag ko nga siyang Angel,kahit wala pang pangalan na binbigay sa kanya.Napakaganda at nakaputi ng balat ng bata.Napakasarap tignan ng maamo nyang mukha .Sobrang payapa.Kaya't nung natutulog siya wala akong ginawa kundi titigan ang mukha niya.Gusto ko siyang kargahin at yakapin pero natatakot ako dahil parang napakalambot ng buo nyang katawan .Gusto kong isipin na ako ang ama niya.Kapag umiiyak siya naaawa ako sa kanya.Iniisip ko na baka kalangan nya yung nanay nya.Sabi ko sana wag na lang syang kunin ni Ate.Sana sa akin na lang siya.

Bigla tuloy sumagi sa isip ko ang tungkol sa pagaampon at pagkakaroon ng anak,handa na ba akong magkaroon nito?Marami sa kaedad ko at mas bata pa sa akin na may mga anak na.Pero alam kung hindi pa ako handa at iniisip ko na ayokong lumabas ang anak ko sa mundo ng hindi napaghandaan.Dahil hindi pa ko handa bilang magulang kaya't hindi ko maibibigay ng maayos yung pangagailangan niya o kaya'y humantong pa na ipaampon ko sya sa iba,na hindi ko gugustuhin na mangyari .
Para sa akin kakitiran din ang konsepto ng iba na ang pagkakaroon ng anak ay upang may mag-alaga lamang sa'yo sa pagtanda.Iyon nga ba talaga ang dahilan ng pagkakaroon nito?
Nung gabi ding iyon kinuha na ang anghel sa bahay.Parang pinahiram lang sya sa amin ng ilang oras at kinuha na sya ni Ate.Ipapaalaga daw sa pediatrician.Naiintindihan ko.Alam kong natatakot sila na baka makita pa nung Nanay dahil malapit lang dito sa bahay yung tinitirahan nito.Nalungkot ako.Kahit ilang oras ko lang binantayan ang batang ito,sobrang napalapit na siya sa akin.
Alam kong matatagalan bago kami magkitang muli pero alam kung sa mga susunod pang mga buwan,makasama ko din ang anghel na ito.May bago na naman kaming magiging kalaro ni Nica at Detdet.

No comments: